Arestado ang isang 27-anyos na lalaki kasunod ng isinakatuparang anti-illegal logging operation sa Purok Pagkakaisa, Brgy. Port Barton, San Vicente, Palawan nito lamang October 4, 2026.
Kinilala ang naaresto na si alyas “Eman”, residente ng Barangay Port Barton, San Vicente, Palawan, habang patuloy namang tinutugis si alyas “Roy” na residente naman ng Barangay Port Barton.
Isinagawa ang operasyon ng San Vicente Municipal Police Station, sa pangunguna ni Police Captain Mae Anne G Claus, Officer-In-Charge, katuwang ang DENR-CENRO Roxas, matapos iulat ng isang confidential informant.
Kabilang sa mga nakumpiska ang tinatayang aabot sa 7.97 cubic meters o 3,379.28 board feet ng lumber, na mayroong estimated market value na Php168,964 at isang Oregon chainsaw.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 (Revised Forestry Code of the Philippines) at Republic Act No. 9175 (Chainsaw Act of 2002).
Alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” pinuri ni PCol Joel D Casupanan, Provincial Director ng Palawan Police Provincial Director, ang lahat ng mga operating units sa maagap na pagresponde na nauwi sa pagkakarekober ng nasabing mga kontrabando at pagkaka-aresto ng suspek.
Aniya, “We will continue to work closely with our partner agencies and communities to protect Palawan’s forests and natural resources. Those who violate our environmental laws will be dealt with in accordance with the law and due process. We urge the public to remain vigilant and report illegal activities to the proper authorities (Patuloy tayong makikipagtulungan sa ating mga katuwang na ahensya at ng buong komunidad upang mapangalagaan ang ating mga kagubatan at likas na yaman ng Palawan. Ang sinumang lumabag sa mga batas partikular na sa pagpapangalaga sa kalikasan ay pagpapanagutin natin alinsunod sa batas at sa angkop na proseso. Patuloy din nating hinihikayat ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat ang mga ilegal na gawain sa mga kinauukulang awtoridad.)”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1HMZettsiF/?mibextid=wwXIfr

