Nasabat ang mahigit Php15.7 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ng mga tauhan ng Police Regional Office 12 sa ikinasang checkpoint operation sa Panatan Border, Pigcawayan, Cotabato dakong 1:30 ng hapon noong Setyembre 4, 2025.
Ayon kay Police Brigadier General Arnold Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12, dalawang wing-van truck na lulan ang tinatayang 400 kahon o nasa 20,000 reams ng sigarilyong Fort at Berlin brand, ang naharang ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 12 (RMFB 12), RPDEU 12, RID 12, RIU 12, at Pigcawayan MPS katuwang ang Bureau of Customs.

Arestado ang anim na suspek mula sa Zamboanga Sibugay at Ozamiz City na nahuling walang maipakitang kaukulang dokumento para sa kanilang kargamento at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Republic Act 10643 (Graphic Health Warning Law).
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng mahigpit na direktiba ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr., laban sa smuggling at iba pang iligal na kalakalan na nagiging banta sa ekonomiya at kalusugan ng mamamayan.
Tiniyak din ni PBGen Ardiente na patuloy ang PRO 12 sa maigting na kampanya laban sa illegal smuggling.



