Arestado ang tatlong indibidwal sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad at nasabat ang nasa Php135,000 halaga ng hinihinalang marijuana oil sa P. Dandan St., Brgy. 51, Zone 8, Pasay City, nito lamang madaling-araw ng Martes, Setyembre 29, 2026.
Kinilala ni Police Brigadier General Rodel A Pastor, District Director ng Southern Police District, ang mga suspek na sina alyas “Lors,” 32 anyos, babae; alyas “Pher,” 23 anyos, lalaki; at alyas “Ichan,” 21 anyos, lalaki at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 13, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Narekober sa naturang operasyon ng mga tauhan ng Pasay City Station Drug Enforcement Unit, NCR-MARPSTA at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ilang vape pen na naglalaman ng nasa 30 gramo ng hinihinalang marijuana oil na may label na “MINI by Tiny,” “Khalifa Karts,” at “Blinkers Flip,” na nagkakahalaga ng Php135,000 at buy-bust money.
“Let this operation serve as a reminder that the Southern Police District will continue to take decisive action against the illegal drug trade. We will remain vigilant, responsive, and committed to keeping our communities safe. Our message is clear: we will continue to serve and protect, always” (Nawa’y magsilbing paalala ang operasyong ito na patuloy na magsasagawa ng mga tiyak at matatag na hakbang ang Southern Police District laban sa ilegal na kalakalan ng droga. Mananatili kaming mapagbantay, maagap, at buong-pusong nakatuon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng ating mga komunidad. Malinaw ang aming mensahe: patuloy kaming maglilingkod at magpoprotekta, sa lahat ng pagkakataon), ani PBGen Pastor.
Source: Southern Police District

