Nasamsam ang tinatayang Php1.7 milyong halaga ng shabu mula sa isang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon PNP sa Pleasantville Subdivision, Barangay Ilayang Iyam, Lucena City, Quezon noong Agosto 16, 2025.
Kinilala ang suspek na si alyas “Dags,” 29 anyos, binata, mekaniko, at residente ng Barangay Gulang-Gulang, Lucena City.
Nahuli ang suspek matapos magbenta ng iligal na droga sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer gamit ang markadong pera na nagkakahalaga ng Php1,000.
Nakumpiska mula sa kanya ang limang piraso ng heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 87 gramo na may Standard Drug Price na Php591,600 at Street Value na Php1,774,800.
Matagumpay na naisagawa ang operasyon ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) sa pamamagitan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) katuwang ang PDEA.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Sa pahayag ni PCol Romulo A. Albacea, Acting Provincial Director ng QPPO, ang tagumpay na ito ay patunay ng walang humpay na kampanya ng Quezon PNP laban sa ipinagbabawal na droga.
“Hindi titigil ang inyong kapulisan sa paglaban sa ilegal na droga. Kasama ng mamamayan ating itaguyod ang isang ligtas at maayos na lalawigan.”
Ang Quezon PNP ay nananatiling tapat sa mandato nitong protektahan ang bawat mamamayan at ipaglaban ang kinabukasan ng isang Quezon na malaya sa droga.



