Imbakan ng armas, natuklasan ng PNP sa Masbate

0
720

Natuklasan ng mga tauhan ng Police Regional Office 5 (PRO 5) sa pamumuno ni PBGEN Nestor C. Babagay Jr ang isang lihim na imbakan ng armas sa Barangay Tawad, Esperanza, Masbate noong Agosto 18, 2025.

Sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng 2nd PMFC at Esperanza MPS, nakarekober ang mga awtoridad ng high-powered firearms, pampasabog, bala, at iba pang gamit pandigma na pinaniniwalaang pag-aari ng Communist Terrorist Groups (CTGs) sa lugar.

Natuklasan ang imbakan bandang alas-10:30 ng gabi sa Sitio Tugas, kung saan nakabaon ang mga kagamitang pandigma sa isang bakanteng lote.

Kabilang sa mga nasamsam ang M16 at M14 rifles, hindi na mapapakinabangang M203 grenade launcher, improvised explosive device (IED), iba’t ibang bala at magasin, handheld radios na may mga accessory, medical supplies, laptop, at mga personal na kagamitan.

Ayon kay PBGen Babagay, ang matagumpay na operasyon ay malaking kawalan sa kakayahan ng mga lokal na rebeldeng grupo na magsagawa ng armadong opensiba at maghasik ng karahasan sa Masbate at karatig-lugar.

Binigyang-diin ng pamunuan ang pagpapatuloy ng pinaigting na operasyon katuwang ang mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya ng pamahalaan at ang mamamayan upang mapangalagaan ang buhay at ari-arian, maitaguyod ang kapayapaan, at maisulong ang pangmatagalang kaunlaran sa buong Bicol.

Source: PNP Kasurog Bicol

Panulat ni PSSg Mercolito P Lovendino Jr