Php1.3M halaga ng shabu, nakumpiska ng Marawi City PNP

0
396

Tinatayang nasa Php1,360,000 halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa dalawang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Marawi City PNP sa Barangay Gadongan, Marawi City noong ika-6 ng Pebrero 2024.

Kinilala ni Police Colonel Robert S Daculan, Provincial Director ng Lanao Del Sur Police Provincial Office (PPO), ang mga suspek na sina alyas “Bong” at alyas “Alim” na parehong residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat, ganap na 5:40 ng hapon ng nasabing petsa nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit – Lanao del Sur PPO, Provincial Special Operations Group – Lanao del Sur PPO, 1st Provincial Mobile Force Company, Marawi City Police Station, 1402nd at 1403rd Regional Mobile Force Company ng Regional Mobile Force Battalion 14 na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.

Nasamsam mula sa mga suspek ang 200 gramo na hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php1,360,000.

Pinuri naman ni PCol Daculan ang lahat ng mga operatiba sa matagumpay na Law Enforcement Operation. Aniya, ito ay indikasyon sa patuloy na pagsisikap ng Lanao del Sur PPO sa pagpapalakas ng kanilang kampanya kontra ilegal na droga.

Panulat ni Pat Veronica B Laggui