Nasamsam ang tinatayang Php1.26 milyong halaga ng smuggled na cigarettes mula sa anim na indibidwal sa isinagawang enhanced port security operation ng PNP-Maritime Group (PNP-MG) sa PPA Port of Zamboanga noong Enero 22, 2026.
Sa magkasanib na operasyon ng Zamboanga City Maritime Police Station (ZCMARPSTA), RMU 9, Isabela City MARPSTA, at SOU-MG, nadiskubre sa pamamagitan ng random baggage inspection na naglalaman ng mga smuggled na mga sigarilyo na walang graphic health warnings, na isang malinaw na paglabag sa Republic Act 10643.
Nasamsam ang 959 reams ng BOSQU at 147 reams ng New Berlin brand na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php1.26 milyon. Kaagad na dinala ang mga suspek at nasamsam na mga ebidensya sa Zamboanga City MARPSTA para sa kaukulang dokumentasyon at wastong disposisyon.
Ayon kay PBGen Lou F Evangelista, Director ng Maritime Group, ito ay patunay ng mas pinaigting na pagbabantay sa mga pantalan, alinsunod sa direktiba ni Acting Chief, PNP, PLtGen Jose Melencio C Nartatez, Jr, na palakasin ang kampanya laban sa smuggling at iba pang iligal na gawain sa mga border at coastal areas.
“Ang mahigpit na port security ay susi sa pagpigil ng iligal na kalakalan at sa kaligtasan ng publiko—isang malinaw na larawan ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas,” ani PBGen Evangelista.
Patuloy ang PNP-Maritime Group sa pagpapatupad ng batas at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang ligtas at maayos na mga pantalan at karagatan.



