Itinalaga bilang bagong Regional Director ng Police Regional Office-Cordillera Administrative Region (PRO CAR) si Police Brigadier General Ericson Diaz Dilag sa ginanap na Turn-over of Command Ceremony sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet, nito lamang Hulyo 21, 2025.

Ang seremonya ay pinangunahan ni Police Lieutenant General Edgar Alan O Okubo, Acting Deputy Chief PNP for Operations, na nagsilbi ring panauhing pandangal at tagapagsalita.
Sa kanyang mensahe, pinuri nito ang mahusay na pamumuno ng dati at ang bagong hepe ng rehiyon, at ang kanilang walang sawang paglilingkod sa bayan.
Dumalo rin sa makasaysayang okasyon ang mga opisyal mula sa iba’t ibang yunit ng PNP, Bureau of Jail Management and Penology-CAR, Philippine Air Force, Philippine Army, mga kinatawan mula sa Local Government Units, PNP Press Corps, PRO CAR Officers Ladies Club, Regional Advisory Group for Police Transformation and Development, at mga kaanak at malalapit na kaibigan ng parehong Outgoing at Incoming Regional Directors.
Pinalitan ni PBGen Dilag si PBGen David K Peredo, Jr., na nagsilbi bilang Regional Director ng PRO CAR sa loob ng mahigit dalawang taon.
Sa kanyang pamumuno, pinuri si PBGen Peredo Jr., sa mga naging kontribusyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Tampok sa nasabing programa ang pagpapasa ng command symbol ng PRO CAR at ang pormal na turnover ng property equipment inventory book mula kay PBGen Peredo, Jr. patungo kay PBGen Dilag, bilang simbolo ng pormal na paglilipat ng responsibilidad at pamumuno sa tanggapan.
Sa kanyang pamamaalam, taos-pusong nagpasalamat si PBGen Peredo, Jr., sa lahat ng personnel at stakeholders na sumuporta sa kanyang pamumuno. Ipinagmalaki rin niya ang mga kolektibong tagumpay ng PRO CAR sa panahon ng kanyang panunungkulan at nagpaabot ng kanyang suporta at pagbati sa bagong Regional Director.

Ipinahayag naman ni PBGen Dilag, isang tunay na anak ng Kalinga, ang kanyang taos-pusong pasasalamat bilang pagkatalaga niya na bagong Regional Director ng PRO CAR.
Tiniyak din nito ang pagbibigay ng tapat, mabilis, at makataong serbisyo ng kapulisan sa mamamayan ng Cordillera.
Patuloy na paiigtingin ang kampanya kontra kriminalidad, terorismo, at katiwalian, kasabay ng pagsusulong ng community engagement upang mapanatili ang tiwala ng publiko at binigyang-diin ang kanyang buong suporta sa mga layunin at direktiba ni PNP Chief, Police General Nicolas D Torre III.



