Itinalaga si Police Brigadier General Christopher N Abrahano bilang bagong Acting Regional Director ng Police Regional Office 10 sa isinagawang Turnover of Office Ceremony nito lamang ika-8 ng Oktubre 2025 sa Camp 1Lt Vicente G. Alagar, Lapasan, Cagayan de Oro City.
Ang seremonya ay hudyat ng opisyal na paglipat ng pamumuno mula kay PBGen Rolindo M Suguilon.

Ang nasabing seremonya ay pinangunahan ni Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr., Acting Chief ng Philippine National Police.
Samantala, taos-pusong nagpasalamat si PBGen Suguilon, sa buong hanay ng PRO10 sa ipinakitang dedikasyon, katapatan, at suporta sa panahon ng kanyang pamumuno.

Habang si PBGen Abrahano ay nagpahayag ng pasasalamat sa pagtitiwala at buong-pusong pagtanggap sa bagong responsibilidad bilang bagong pinuno ng PRO10.
Bilang bahagi ng kanyang mga plano, binigyang diin ni PBGen Abrahano, ang programang “Four Ms”: Maagap (Attentive); Marunong (Efficient); Magalang (Respectful) at Maayos (Orderly) na magsisilbing gabay sa pagpapatibay laban sa kriminalidad.
“Ang pagpapahalagang ito ang magiging gabay natin sa pagpapalaganap ng isang tapat at maagap na sistema ng kapayapaan at seguridad.” ani PBGen Abrahano na tinalakay ang tatlong pangunahing hakbang: Prepare, Prevent at Respond.
Bago ang kanyang reassignment, nagsilbi si PBGen Abrahano bilang Officer-in-Charge ng Area Police Command Visayas, Acting Director ng Criminal Investigation and Detection Group, at Regional Director ng Police Regional Office 13. Isa din siyang myembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class of 1996.

Sa kanyang direktiba, hinikayat ni PLtGen Nartatez Jr. ang PRO10 na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga, terorismo, pagtutok sa iba’t ibang kriminalidad, partikular na ang mga kinasasangkutan ng mga baril at droga.

Binanggit din niya na patatagin ang mga estratehiya sa pagpapatrolya, paghusayan ang mga hakbang sa seguridad para sa malalaking kaganapan at alagaan ang moral ng mga tauhan.
“Ang ating trabaho bilang mga pulis ay hindi natatapos sa simpleng pagpapatupad ng batas. Kailangan nating makuha ang aktibong suporta ng komunidad. Hindi sapat na tayo lang ay makita na nagpapatrolya o nagsasagawa ng imbestigasyon – dapat tayo ay mararamdaman.”

