Nagsagawa ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ng isang Induction Ceremony para sa mga bagong halal na Provincial at Municipal Officers ng Pangasinan Content Creators Association (PCCA) noong Hulyo 18, 2026 sa Magilas Hall ng Pangasinan PPO.
Kinatawan ni Police Lieutenant Colonel Marceliano A. Desamito Jr., Deputy Provincial Director for Administration, si Pangasinan PPO Officer-in-Charge, Police Colonel Dennis L. De Leon, sa nasabing programa. Dumalo rin sa seremonya si PCCA Founder Voltaire D. Tolentino, kasama ang mga bagong opisyal at mga miyembro ng samahan.
Layunin ng programa na pormal na manumpa sa tungkulin ang mga bagong opisyal ng PCCA at pagtibayin ang kanilang pangako na maglingkod nang may integridad, dedikasyon, at propesyonalismo. Binigyang-diin din sa okasyon ang mahalagang papel ng mga content creator sa pagsusulong ng responsableng paggamit ng digital platforms, wastong pagpapalaganap ng impormasyon, at paglaban sa maling impormasyon sa cyberspace.
Tinalakay rin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pakikipagtulungan ng mga content creator sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang makapaghatid ng makabuluhan, kapaki-pakinabang, at mapagkakatiwalaang nilalaman na makatutulong sa pagpapalakas ng kamalayan at partisipasyon ng mamamayan sa mga usaping pangkomunidad.
Patuloy na pinagtitibay ng Pangasinan PPO ang pakikipag-ugnayan nito sa media, digital content creators, at iba pang stakeholder bilang bahagi ng pagsisikap na mapalakas ang transparency, mapanatili ang tiwala ng publiko, at maisulong ang sama-samang pagkilos tungo sa isang mas ligtas, mas maalam, at mas matatag na lalawigan ng Pangasinan.
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: Pangasinan PPO



