NCRPO, tiniyak ang seguridad ng mga delegado ng ASEAN Summit sa loob at labas ng pagdarausan

0
240

Nakahanda na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na tiyakin ang kaligtasan ng mga dayuhang delegado ng 49th ASEAN Summit and Related Summits, hindi lamang sa mga opisyal na aktibidad kundi maging sa kanilang mga personal na pamamasyal at pagbisita sa mga tourist destination at cultural attraction sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Acting Regional Director PBGen Christopher N Abrahano, mananatiling maagap at nakatuon ang police security coverage sa mga galaw at aktibidad ng mga delegado, kabilang ang mga nagnanais mamasyal, maranasan ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino, at makilala ang kultura at kasaysayan ng bansa.

Inatasan niya ang limang police district na panatilihin ang mahigpit na koordinasyon sa mga establishment, tourism stakeholders, local government units, at iba pang security counterparts upang matiyak ang agarang pagbibigay ng seguridad at police assistance saanman magtungo ang mga delegado.

Binigyang-diin din ni PBGen Abrahano ang pagpapanatili ng police visibility sa mga pangunahing commercial at tourist areas, gayundin ang kahandaan ng mga tauhan na tumugon sa anumang pangangailangan ng mga bisita. Tiniyak din niyang hindi maaapektuhan ang regular na public safety services para sa mga residente ng Metro Manila sa kabila ng pinaigting na seguridad kaugnay ng summit.

“We want our guests to have a safe and memorable experience in the Philippines. Whether they wish to explore Metro Manila, visit tourist destinations, or discover our culture and heritage, they can count on the NCRPO to help ensure their safety. Our responsibility does not end at summit venues or official activities; it extends wherever their visit may take them” (Nais naming maging ligtas at hindi malilimutan ang karanasan ng ating mga panauhin sa Pilipinas. Nais man nilang mamasyal sa Metro Manila, bumisita sa mga tanyag na pasyalan, o tuklasin ang ating kultura at pamana, makaaasa silang handang tumulong ang NCRPO upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Hindi lamang nakatuon ang aming tungkulin sa mga lugar na pagdarausan ng summit at mga opisyal na aktibidad; saklaw nito ang bawat lugar na kanilang bibisitahin sa buong panahon ng kanilang pananatili sa bansa), ani PBGen Abrahano.

Layunin ng NCRPO na maging ligtas at makabuluhan ang pananatili ng mga dayuhang delegado sa Pilipinas, upang hindi lamang ang matagumpay na pagsasagawa ng ASEAN Summit ang kanilang maalala kundi maging ang kagandahan ng mga destinasyon, yaman ng kulturang Pilipino, at mainit na pagtanggap ng sambayanang Filipino.

Source: NCRPO https://www.facebook.com/share/p/1DBQzgKUss/

Leave a Reply