NCRPO, pinaigting ang seguridad at intelligence monitoring para sa 49th ASEAN Summit

0
277

Pinaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang intelligence monitoring at security assessments bilang paghahanda sa nalalapit na 49th ASEAN Summit and Related Summits, upang matiyak ang kaligtasan ng mga delegado at iba pang bisita sa Metro Manila. Tiniyak ng NCRPO na tuloy-tuloy ang paghahanda sa kabila ng kawalan ng natutukoy na beripikadong banta sa naturang pagtitipon.

Ayon kay NCRPO Acting Director PBGen Christopher N. Abrahano, patuloy ang pangangalap at beripikasyon ng impormasyon ng kanilang intelligence units, gayundin ang pagsusuri sa mga posibleng panganib sa seguridad. Mahigpit din ang koordinasyon ng NCRPO sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak ang maagap at magkakaugnay na pagtugon sa anumang posibleng banta.

Binigyang-diin ni PBGen Abrahano na hindi nangangahulugan ng pagpapahinga sa seguridad ang kawalan ng naitatalang beripikadong banta. Inatasan niya ang mga intelligence at operational units na agad imbestigahan at beripikahin ang mga kapani-paniwalang ulat at magsagawa ng nararapat na hakbang alinsunod sa umiiral na mga protocol at validated intelligence.

Hinimok din ng NCRPO ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa mga opisyal na communication channels ng NCRPO ang anumang kahina-hinalang aktibidad, mga bagay na walang nagmamay-ari, o impormasyong maaaring makaapekto sa seguridad. Gayunman, pinaalalahanan ang lahat na iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang pangamba.

“Public vigilance is an important part of our security efforts. We encourage everyone to report anything suspicious, but we also remind the public to avoid spreading unverified information that could cause unnecessary alarm. Every report will be taken seriously and properly assessed” (Mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng seguridad ang patuloy na pagbabantay at pakikiisa ng publiko. Hinihikayat namin ang bawat isa na agad magsumbong tungkol sa anumang kahina-hinalang pangyayari, kasabay ng paalala na huwag magpakalat ng mga hindi pa napapatunayang impormasyon na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang alarma. Lahat ng ulat ay aming bibigyang-pansin at sasailalim sa kaukulang beripikasyon at pagsusuri), ani PBGen Abrahano.

Tiniyak naman ng NCRPO na pananatilihin nito ang pinaigting na seguridad sa buong panahon ng summit habang patuloy na naghahatid ng serbisyo-publiko sa Metro Manila, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/18cXqyiwci/)

Leave a Reply