NCRPO, nasamsam ang hinihinalang high-grade marijuana; Lalaki, arestado sa Valenzuela

0
231

Arestado ang isang 25 anyos na lalaki matapos masamsam sa kanya ang tinatayang 114 gramo ng hinihinalang high-grade marijuana o “Kush” na nagkakahalaga ng Php136,800 sa isang operasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Valenzuela City noong Agosto 21, 2026.

Isinagawa ang operasyon dakong alas 10:00 ng umaga sa R. Delfin Street, katabi ng Filmex Enterprises sa Brgy. Marulas, kung saan umano’y nagbenta ang suspek ng isang heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang Kush. Tatlo pang sachet ng kaparehong ilegal na droga ang narekober mula sa kanyang pag-iingat.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang ilang ebidensiyang ginamit sa operasyon, kabilang ang isang tunay na Php500 bill at 12 piraso ng Php1,000 boodle money, iba pang perang papel, mga identification card, ordinance violation receipts, isang sling bag, wallet, at isang motorsiklo kasama ang susi at helmet.

Inihahanda ang pagsasampa ng reklamo laban sa suspek dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, para sa ilegal na pagbebenta at pag-iingat ng dangerous drugs.

Ayon kay NCRPO Regional Director PMGen Anthony A. Aberin, patuloy na paiigtingin ng NCRPO ang intelligence-driven at EMPO-based operations upang maputol ang daloy ng ilegal na droga bago ito makarating sa mga komunidad. Bahagi ito ng pagsisikap ng PNP, alinsunod sa Five-Focused Agenda ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. na isulong ang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1BhrUJf9JM/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply