Tinatayang nasa 7,615 mga ordinance violations ang naitala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila sa loob lamang ng 24-oras na operasyon nitong Miyerkules.
“The operation was from 12:01 a.m. to 11:59 p.m. on April 28, 2026. The heightened police visibility and coordinated efforts on the ground are part of a broader campaign to instill discipline, deter offenses, and ensure safer and more orderly public spaces,” pahayag pa ni Police Major General Anthony A Aberin, Regional Director ng NCRPO.
Sa inilabas na datos ng NCRPO, kalahati umano ng mga kaso ay nagmula sa mga paglabag sa iba’t ibang traffic ordinances na aabot sa 3,715 kaso. Sumunod naman ang 2,080 insidente ng pag-iinom at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Nakapagtala naman ang NCRPO ng 417 menor de edad na lumabag sa mga curfew hours, habang nasa 327 indibidwal naman ang nahuling naglalakad sa mga kalye na walang pang-itaas na damit.
Aabot naman sa 271 ang naitalang iba pang mga kaso gaya na lamang ng illegal structures at road obstructions, habang nasa 254 insidente naman ang naitala kaugnay sa pag-ihi sa mga pampublikong lugar, littering, at ilegal na pagtatapon ng mga basura. Nakapagtala naman ang himpilan ng nasa 12 violations dahil sa pagka-karaoke nang lagpas sa itinalagang oras.
Magpapatuloy ang parehong mga operasyon ng NCRPO bilang bahagi ng malawakang pagpapatupad ng programang Safer Cities Initiatives ng Department of the Interior and Local Government na may layuning tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng striktong pagpapatupad ng lahat ng mga local ordinances sa mga pangunahing lungsod sa bansa.



