Magtatalaga ang Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ng nasa kabuuang 106,633 mga tauhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang magbantay sa ligtas, maayos at mapayapang Labor Day celebration nitong darating na May 1. Ito ay alinsunod sa mga direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang seguridad ng publiko habang isinaalang-alang ang mga karapatan ng mamamayan lalo na ang magkaroon ng peaceful assembly.
Sa kabuuang bilang, 95,556 dito ang mga PNP personnel, na tutulungan naman ng nasa 2,756 na iba pang mga tauhan mula sa iba pang mga government units, katuwang ang 8,501 na mga force multipliers.
Nauna nang isinailalim sa heightened alert status ang buong hanay ng Pambansang Pulisya, simula alas 12:01 AM ng madaling araw nito lamang April 30 hanggang alas 12:01 ng madaling araw ng May 2, 2026, upang tiyakin ang kahandaan ng mga tauhan nito at masiguro ang mabilis na pagresponde sa lahat ng sitwasyon.
Sa nasabing bilang, tinatayang nasa 16,166 kapulisan naman na naka-assign sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang itatalaga sa buong Metro Manila. Kabilang na rito ang tig-1,000 augmentation personnel mula sa Police Regional Office 3 at Police Regional Office 4A na tutulong sa pagbabantay ng seguridad sa Kalakhang Maynila.
Bahagi ang nasabing nationwide security preparations sa PNP Focused Agenda, partikular na sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, na may layuning palakasin pa ang police visibility ng PNP, koordinasyon, at responsiveness ng hanay lalo na sa parehong mga major public gatherings.
“Handa ang inyong kapulisan na tiyakin ang kaligtasan ng lahat. Iginagalang natin ang karapatan ng ating mga kababayan na ipahayag ang kanilang saloobin, kasabay ng pagpapanatili ng kaayusan sa ating mga lansangan,” pagtiyak pa ni PGen Nartatez sa publiko.
“Makakaasa kayo na ang PNP ay narito hindi lamang para magbantay, kundi para tumulong. Panatilihin natin ang mapayapang diwa ng paggunita ng Araw ng mga Manggagawa,” dagdag pa niya.



