Handang-handa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila kasabay ng inaasahang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo ngayong Setyembre 21, 2026.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher N Abrahano, naka-full alert na ang NCRPO mula pa noong Setyembre 19 at ipinatutupad ang full deployment ng mga tauhan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa mga lugar na inaasahang pagdarausan ng mga aktibidad.
Inihanda rin ng NCRPO ang operational plan batay sa mga naging karanasan sa mga nakaraang kilos-protesta, partikular sa pagprotekta sa publiko, mga kritikal na pasilidad, at mga kalahok sa mapayapang pagtitipon.
Binigyang-diin ni PBGen Abrahano na iginagalang ng pulisya ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon at pagpapahayag ng saloobin. Iniatas niya sa mga police personnel na pairalin ang maximum tolerance, professionalism, disiplina at restraint, gayundin ang patuloy na pakikipagdayalogo sa mga lider ng mga grupo upang maiwasan ang hindi kinakailangang komprontasyon.
Inatasan din ang mga tauhan na gumamit ng body-worn cameras, panatilihin ang malinaw na koordinasyon sa mga deployed units, at agad na iulat ang anumang insidente. Hinikayat naman ang mga demonstrador na igalang ang karapatan ng ibang mamamayan at panatilihing mapayapa at maayos ang kanilang mga aktibidad.
Tiniyak ni PBGen Abrahano na mananatiling nakahanda ang NCRPO na protektahan ang karapatan ng mga mamamayan habang pinananatili ang peace and order sa Metro Manila. Aniya, nakahanda ang kapulisan na umaksyon alinsunod sa batas sakaling magkaroon ng karahasan o paglabag sa mga umiiral na alituntunin.

