NCRPO, nagpaalala sa publiko tungkol sa mga ipinagbabawal na dalhin sa loob ng mga sementeryo

0
82

Nagpaalala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko na sundin ang mga alituntunin ng mga sementeryo at iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa paggunita ng “Undas 2026” upang matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita at maayos na daloy ng mga taong magbibigay-pugay sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Hinimok ni Police Brigadier General Christopher Abrahano, Officer-in-Charge ng NCRPO, ang mga bibisita sa mga sementeryo na makipagtulungan sa mga administrador ng sementeryo, mga security personnel, at mga lokal na awtoridad sa pamamagitan ng pagsunod sa mga umiiral na alituntunin, partikular na sa mga ipinagbabawal na kagamitan, mga restriksyon sa sasakyan, at mga itinakdang pasukan at labasan.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na dalhin sa loob ng mga sementeryo ngayong Undas ang mga inuming nakalalasing, baril, kutsilyo at iba pang matutulis o matatalim na bagay, mga nasusunog na materyales gaya ng paint thinner at iba pang mapanganib na kemikal o sangkap, kabilang ang mga ginagamit sa pagluluto, ilegal na droga, at mga kagamitan sa pagsusugal gaya ng baraha at dice. Maaari ring ipagbawal ang malalakas na sound system, mga instrumentong pangmusika, at mga alagang hayop depende sa mga patakaran ng bawat sementeryo.

“Undas is a solemn occasion for Filipino families to remember and honor their departed loved ones. We ask everyone to observe the rules set by cemetery administrators and local government units, particularly the prohibition on dangerous items that could compromise public safety,” (Ang Undas ay isang banal at makabuluhang okasyon para sa mga pamilyang Pilipino upang alalahanin at bigyang-pugay ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Hinihiling namin sa lahat na sundin ang mga alituntuning itinakda ng mga administrador ng sementeryo at mga lokal na pamahalaan, lalo na ang pagbabawal sa mga mapanganib na bagay na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko,” pahayag ni PBGen. Abrahano.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na alamin muna ang mga restriksyon sa sasakyan bago bumisita sa mga sementeryo, dahil may ilang pasilidad na nagbabawal sa pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan, kabilang ang mga motorsiklo, bisikleta, at electric bike (e-bike), sa mga itinakdang panahon.

Binigyang-diin ni PBGen. Abrahano na ang pagsunod sa mga patakaran ng mga sementeryo ay makatutulong upang maiwasan ang pagsisikip ng mga tao, mapabilis ang paggalaw ng mga bisita, at mapanatiling maluwag at malayang madaraanan ang mga daanan ng mga rerespondeng tauhan sakaling magkaroon ng emergency.

Hinikayat ng NCRPO ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang pagbisita, magdala lamang ng mga kinakailangang gamit, itapon nang maayos ang mga basura, bantayang mabuti ang mga bata, at agad na iulat sa pinakamalapit na Police Assistance Desk (PADs) o security personnel ang anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency.

Source: National Capital Region Police Office

Leave a Reply