Most Wanted Person sa Pampanga, arestado; Tatlong loose firearms, nasamsam

0
372

Naaresto ng mga awtoridad ang isa sa mga most wanted person sa lalawigan ng Pampanga matapos ang isinagawang operasyon sa Barangay Pias, Porac noong Miyerkules, Mayo 20, 2026. Kasabay ng pagkakadakip sa suspek ay ang pagkakasamsam ng tatlong iba’t ibang uri ng baril at maraming bala, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa loose firearms at kriminalidad.

Ayon sa Police Regional Office 3 (PRO3), ang nadakip ay isang 37-anyos na lalaki na may kinahaharap na kasong murder. Naaresto rin ang kaniyang 70-anyos na kasama na hinihinalang tumulong upang maitago ang akusado mula sa mga awtoridad.

Pinangunahan ng mga operatiba mula sa Pampanga Police Intelligence Unit, Porac Municipal Police Station, at Guagua Municipal Police Station ang operasyon gamit ang warrant of arrest na inilabas ng hukuman laban sa suspek.

Ayon kay Police Brigadier General Jess B. Mendez, Director ng PRO 3, mahalaga ang ganitong operasyon hindi lamang upang maaresto ang mga wanted na indibidwal kundi upang maiwasan din ang karahasan at maprotektahan ang publiko laban sa mga armadong kriminal. Dagdag niya, patuloy na nagsasagawa ng mas pinaigting na hakbang ang kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.

“Loose firearms continue to pose a serious threat to public safety because they are often used in the commission of crimes. Operations like this are important not only in arresting wanted persons, but also in preventing violence and protecting communities from armed individuals,” ani PBGen Mendez.

Nahaharap naman ang suspek sa karagdagang kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, habang kakasuhan din ang kaniyang kasamang senior citizen dahil umano sa obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree No. 1829.

Iginiit ng PRO3 na ipagpapatuloy nila ang masinsing kampanya laban sa krimen sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply