Bilang paghahanda sa Summer Vacation 2024 lalo na ngayong Semana Santa, personal na nag-ikot ang Regional Director ng National Capital Region Police Office na si Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr., sa iba’t ibang bus terminals sa Metro Manila nito lamang Miyerkules, ika-27 ng Marso 2024.
Ang inspeksyon ay naglalayong tiyakin ang kaayusan sa bawat terminal upang magkaroon ng mapayapa at ligtas na paglalakbay para sa publiko ngayong panahon ng peak season.
Binibigyang-diin din ng NCRPO na pananatilihin ang kaligtasan ng bawat commuter sa kanilang paglalakbay ngayong panahon ng Kwaresma.
Sa panahon ng inspeksyon, ayon kay PMGen Nartatez ang kahalagahan ng pagbabantay at pagtutulungan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas, terminal operator, at publiko. “Hinihikayat ko ang lahat na makipagtulungan sa mga awtoridad at sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan habang inaabangan natin ang pagtaas ng paglalakbay ngayong linggo at bakasyon sa tag-init.
“Nananatiling nakatuon ang NCRPO sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa loob ng rehiyon, walang pagod kaming nagsusumikap upang tugunan ang anumang hamon na maaaring dumating. Sa pamamagitan ng proactive measures at community engagement, layunin naming magbigay ng ligtas at secure na kapaligiran para sa lahat ng residente at bisita ng Metro Manila,” ani pa ni PMGen Nartatez.
Source: RPIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos