Mga priority programs, inilatag ng PNP sa bago nitong Focused Agenda

0
2501

Pormal ng inilatag ng Pambansang Pulisya ang bago nitong Focused Agenda sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr, Acting Chief, PNP, na sumasaklaw sa mga priority programs na ipatutupad ng himpilan alinsunod sa pananaw at hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kabilang sa mga tututukan sa nasabing agenda ang Management of Resources, Morale and Welfare, at Enhanced Managing Police Operations na pagtitibayin ng Integrity Monitoring at Active Community Support-tungo sa mas mabilis at makabagong PNP.

“Ang PNP Focused Agenda ay hindi lamang plano ng pamamahala—ito ay isang panata sa bawat Pilipino. Patuloy nating pinaiigting ang paggamit ng mga yaman ng organisasyon, isinusulong ang kapakanan at moral ng ating mga tauhan, at pinatitibay ang operasyon sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan ng pulisya. Higit sa lahat, isinasabuhay natin ang disiplina, integridad, at pakikipag-ugnayan sa komunidad,” pahayag PLtGen Nartatez.

Sa ilalim ng Management of Resources, layunin ng PNP na ipatupad ang masinop at epektibong paggamit ng yaman ng organisasyon—tao, kagamitan, at pondo; binibigyang-diin naman ng Morale and Welfare ang kahalagahan ng may motibasyon at propesyonal na hanay; at pinapaigting ng Enhanced Managing Police Operations ang mga estratehiyang nakabatay sa ebidensya laban sa ilegal na droga, loose firearms, terorismo, at cybercrimes.

Samantala, tinitiyak naman ng Integrity Monitoring ang pananagutan sa bawat antas, habang ang Active Community Support ay nagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at mamamayan—dahil ang tiwala ng bayan ang tunay na sandigan ng PNP.

“Ang Focused Agenda ang konkretong tugon ng PNP sa panawagan ng Pangulo para sa isang organisasyong mas tumutugon, mas bukas, at mas nakatuon sa paglilingkod. Ipinapakita nito ang tunay na diwa ng Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman, bilang gabay tungo sa Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas,” dagdag pa ni PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño.

Sa bagong direksyong ito, nananatiling tapat ang PNP sa layuning maglingkod nang may puso, magtaguyod ng katarungan, at maging tunay na sandigan ng bawat Pilipino tungo sa mas ligtas at mas maunlad na bayan.