Mga baril at Php2M halaga ng shabu, nakumpiska ng PRO 8; HVI arestado

0
589
Screenshot

Arestado ng kapulisan ng PRO 8 ang isang High Value Individual matapos itong makumpiskahan ng humigit-kumulang Php2 Milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Jose, Dulag, Leyte, dakong alas 11:27 ng hapon nito lamang December 24, 2025.

Kinilala ni PBGen Jason L Capoy, Regional Director ng PRO8 ang suspek sa alyas na “Danny,” 40-year-old na HVI, walang trabaho, at residente ng Barangay San Isidro, Dulag, Leyte.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit – Leyte Police Provincial Office, katuwang ang Dulag Municipal Police Station (MPS)– SDEU, Regional Police Drug Enforcement Unit 8 (RPDEU-8), Regional Special Operations Group 8 (RSOG-8), at ang 1st Leyte Provincial Mobile Force Company.

Nakumpiska ng kapulisan ang tinatayang nasa 299.2 grams ng hinihinalang shabu na may estimated value na Php2,034,560, kasama ang mga baril, ammunition, magazines, at iba pang mga paraphernalia.

Narekober din ng mga awtoridad sa suspek ang dalawa pang karagdagang heat-sealed sachets at isa pang knot-tied sachet ng shabu; genuine at boodle money na ginamit bilang buy-bust money; tatlong weighing scales; isang brown wallet na may lamang mga identification cards; isang navy-blue backpack; at isang Honda XRM motorcycle.

Kabilang naman sa mga baril at balang nakumpiska ang isang Colt caliber .45 pistol na may isang magazine at pitong bala; isang LLAMA caliber 9mm pistol na may dalawang magasin at apat na bala; isang Caspian caliber 9mm pistol na may dalawang magazine; isang holster para sa .45 caliber pistol at dalawang holster para naman sa caliber 9mm pistols. 

Pinuri naman ni PBGen Capoy ang mga operatiba sa pagkahuli ng nasabing suspek. Aniya, “This operation proves that PRO 8 remains relentless in pursuing illegal drugs and criminality, even during the holiday season. The seizure of these drugs and firearms sends a clear message to criminal syndicates that the PNP is steadfast in protecting our communities and ensuring a safe, peaceful, and secure environment for the public across Eastern Visayas.”

Samanatala, nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II of Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at ng Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.