Nasa mahigit Php3 milyon halaga ng iligal na droga ang nakumpiska at isang drug personality ang naaresto sa pinaigting na kampanya laban sa droga ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa sa Benguet, Kalinga, at Baguio City noong Marso 29, 2026.
Sa lalawigan ng Benguet, natuklasan ang sampung plantasyon ng marijuana na may kabuuang 10,650 fully grown marijuana plants na tinatayang nagkakahalaga ng Php2,130,000. Ang operasyon ay inilunsad sa Brgy. Tacadang, Kibungan ng mga operatiba mula sa Kibungan Municipal Police Station (MPS); 1st at 2nd Benguet Provincial Mobile Force Companies (PMFCs); Provincial Intelligence Unit (PIU), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Provincial Community Affairs and Development Unit ng Benguet Police Provincial Office (PPO); Regional Mobile Force Battalion 15; Special Operations Unit-CAR; Regional Intelligence Unit 14; at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.
Sa Kalinga naman, nadiskubre ang isang plantasyon ng marijuana na may 4,500 fully grown marijuana plants na may kabuuang halaga na Php900,000. Ang matagumpay na eradication operation ay isinagawa sa Barangay Tulgao West, Tinglayan sa koordinasyon ng Tinglayan MPS, 1st Kalinga PMFC, PIU at PDEU ng Kalinga PPO, at PDEA-Kalinga, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya laban sa pagtatanim ng iligal na droga.
Agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang lahat ng natagpuang tanim na marijuana upang hindi na ito mapakinabangan pa. Kasabay nito, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga indibidwal na nasa likod ng mga iligal na plantasyon.
Samantala, sa Baguio City, isang 27-anyos na lalaki ang naaresto sa buy-bust operation matapos mahuling nagbebenta ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.5 gramo at halagang Php3,400. Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng City Drug Enforcement Unit, City Intelligence Unit, at Police Station 10 ng Baguio City Police Office.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165.
Patuloy namang pinatutunayan ng PRO CAR ang kanilang matibay na paninindigan na sugpuin ang iligal na droga at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon, kasabay ng panawagan sa publiko na makiisa at maging mapagmatyag laban sa ganitong uri ng kriminalidad.
Source: PRO CAR



