Dalawang suspek sa Naic market shooting, arestado; Baril at iligal na droga, nakumpiska

0
342

Dalawang suspek ang naaresto ng pulisya kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Naic Public Market sa Barangay Ibayo Silangan, Naic, Cavite, sa pamamagitan ng mabilis at masusing operasyon ng Cavite Police Provincial Office (PPO). Pinangunahan ng Naic Municipal Police Station, katuwang ang General Emilio Aguinaldo MPS at Cavite Provincial Mobile Force Company, ang matagumpay na operasyon na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng baril at iligal na droga.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-6:17 ng hapon noong Marso 27, 2026 nang barilin ang biktimang kinilalang si alias “Ed,” isang vendor, habang nasa loob ng palengke. Agad siyang isinugod sa pagamutan ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay habang ginagamot.

Naging mahalaga ang impormasyong ibinigay ng isang saksi na isang administrative assistant upang mapabilis ang pagtukoy sa mga suspek. Samantala, rumesponde rin ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Cavite Provincial Forensic Unit bandang alas-8:05 ng gabi upang magsagawa ng masusing forensic examination sa pinangyarihan ng krimen.

Sa isinagawang imbestigasyon, nakarekober ang SOCO team ng limang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .380 na baril. Ang mga ebidensiyang ito ay maingat na minarkahan at isinailalim sa forensic at ballistic examination upang higit pang mapalakas ang kaso laban sa mga suspek.

Sa pagsusuri ng CCTV footage at testimonya ng mga saksi, natukoy ang pagkakasangkot ng isang lalaking kinilalang alias “Jon,” na nakitang nakipag-usap sa armadong suspek bago ang insidente. Dahil dito, agad siyang naaresto ng mga operatiba ng Naic MPS sa pangunguna ni PLtCol Louie DC Gonzaga, hepe ng Naic MPS, bandang alas-10:00 ng gabi ng parehong araw.

Samantala, noong Marso 29, 2026, naaresto naman ng mga operatiba ng General Emilio Aguinaldo MPS ang gunman na kinilalang alias “Manny.” Narekober mula sa kanya ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen, gayundin ang mga sachet ng hinihinalang iligal na droga. Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong murder, habang si “Manny” ay may karagdagang kaso sa paglabag sa Republic Act No. 10591 at Republic Act No. 9165.

Pinuri ni PCol Ariel R. Red, Provincial Director ng Cavite PPO, ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga operatiba na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng mga suspek. Aniya, “The swift arrest of both suspects and the recovery of the firearm and illegal drugs underscores the unwavering commitment, coordination, and aggressive law enforcement efforts of the Cavite PPO. We will not allow criminals to sow fear in our communities.”

Hinihikayat ng pulisya ang publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang maging katuwang ng pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa lalawigan.

Source: Cavite PPO