Sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Ilagan City Component Police Station (CCPS) ang isang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation bandang hapon noong Mayo 19, 2026 sa Barangay Naguilian Sur, City of Ilagan, Isabela.
Pinangunahan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) sa Ilagan CCPS sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 (PDEA RO2), ang nasabing operasyon.
Kinilala ang suspek na si alyas “Vince,” 34 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng Barangay Siffu, City of Ilagan, Isabela. Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 26 gramo na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na Php171,600.00 sa isang police operative na nagpanggap bilang poseur-buyer.
Bukod dito, nakumpiska rin mula sa suspek ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 16 gramo na may tinatayang SDP na Php105,600.00, na may kabuuang humigit-kumulang 42 gramo na nagkakahalaga ng Php277,200.00. Nakumpiska rin ang isang OPPO A18 Android cellphone at isang Honda XRM motorcycle na walang plaka.
Patuloy na pinaigting ng Valley Cops ang kampanya laban sa ilegal na droga upang protektahan ang mamamayan at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa Lambak ng Cagayan.
Source: PRO2
Panulat ni Pat Leinee Lorenzo



