Matagumpay na nasamsam ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang mahigit Php227,000,000 halaga ng ilegal na droga sa isang linggong serye ng magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa sa rehiyong Cordillera mula Agosto 10 hanggang Agosto 16, 2026, na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng labindalawang drug personality.
Ayon kay Police Brigadier General Ericson D. Dilag, Regional Director ng PROCAR, nagsagawa ang PRO CAR ng 17 na anti-illegal operations, kabilang ang walong marijuana eradication, tatlong buy-bust operations, dalawang pagpapatupad ng warrant of arrest, dalawang pagpapatupad ng search warrant, at dalawang pagresponde ng pulisya.
Ang mga operasyong ito ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng 1,124,700 ganap na tumubong halaman ng marijuana, 50,000 punla ng marijuana, 150 gramo ng tuyong dahon at namumungang bahagi ng marijuana, at 8.49 gramo ng hinihinalang shabu, na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na Php227,015,732.
Bukod dito, nahaharap na ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang 12 indibidwal na sangkot sa droga matapos silang maaresto sa mga isinagawang operasyon.
Ang mga pinakamahalagang tagumpay ay naitala ng Kalinga Police Provincial Office (PPO), na nagsagawa ng pagpuksa sa mga tanim na marijuana at pagsamsam sa hinihinalang shabu na may pinagsamang SDP na nagkakahalaga ng Php224,946,800, pati na ang pag-aresto sa anim na drug personalities. Samantala, nagsagawa rin ng pagpuksa sa mga tanim na marijuana na nagkakahalaga ng Php2,000,000 ang Mountain Province PPO.
Dagdag pa rito ay nasamsam ng Baguio City Police Office ang mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng Php42,840 at inaresto ang tatlong drug personalities. Sa kabilang banda, nakumpiska ng Apayao PPO ang mga ilegal na droga na may SDP na Php18,952 at inaresto ang tatlong drug personalities, habang nasamsam naman ng Benguet PPO ang hinihinalang shabu na may SDP na Php7,140.
Ang matagumpay na operasyon na ito ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng PROCAR sa paglaban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon at pinalakas na pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at komunidad, na sumasalamin sa mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman”.
Source: PNP Police Regional Office CAR



