Magkapatid na nawawala, ligtas na naibalik ng Lantawan PNP sa pamilya

0
264

Agarang umaksyon ang mga tauhan ng Lantawan Municipal Police Station (MPS) matapos maiparating sa kanila ang kalagayan ng magkapatid na isang  dalawangpu’t dalawang (22)  taong gulang at nakababatang kapatid na pitong (7) taong gulang na napaulat na nawawala sa Lantawan, Basilan.

Ayon sa ulat, umalis umano ang magkapatid sa kanilang tirahan matapos makaranas ng hindi magandang pagtrato mula sa kanilang step-mother, kasunod ng pagpanaw ng kanilang ama.

Mula Sangali, sumakay sila ng motorized pump boat patungong Isabela City at bumiyahe pa-Lantawan Proper. Pagdating doon, napansin sila ng isang Barangay Social Worker na agad silang dinala sa Municipal Social Services and Development (MSSD) Office, na siya namang nakipag-ugnayan sa pulisya para sa agarang pag-alalay.

Kaagad na nakipag-coordinate ang Lantawan MPS sa Sangali MPS upang tiyakin na walang anumang kaso o record na kinasasangkutan ang magkapatid. Matapos makumpirmang wala, maayos silang inendorso sa MSSD Lantawan para sa wastong dokumentasyon at kaukulang tulong.

Sa tulong ng mahigpit na ugnayan ng mga awtoridad sa Sangali at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Zamboanga City, naihanda ang kanilang ligtas na pagbabalik. Naihatid ng ligtas ang magkapatid pauwi.

Binigyang-diin ni Chief PNP, PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., na ang ganitong uri ng aksyon ay sumasalamin sa tunay na diwa ng paglilingkod.

“Ang pulis ay hindi lang tagapagpatupad ng batas. Tayo rin ay tagapag-alaga ng komunidad. Kapag may nangangailangan ng tulong, hindi tayo nagdadalawang-isip umaksyon.”

Ang matagumpay na pagtulong sa magkapatid ay nakaayon sa PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations, kung saan pinatitibay ang maayos na koordinasyon at agarang pagtugon sa mga sitwasyong nangangailangan ng interbensyon.

Muli nitong pinatunayan na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pulisya at mga social welfare agencies, mas napangangalagaan ang kapakanan ng mga indibidwal na higit na nangangailangan ng proteksyon at gabay.

Sa huli, patuloy na isusulong ng PNP ang Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman—isang serbisyong hindi lamang nakikita sa aksyon, kundi tunay na nararamdaman ng bawat Pilipino.

(PNP-PIO)