Matagumpay na naaresto ng Philippine National Police, sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief, PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang dalawang magkapatid matapos makumpiska mula sa kanila ang isang KG9 submachine gun, dalawang handguns, at isang hand grenade sa isang search warrant operation sa Brgy. Manatad, Sibonga, Cebu noong August 25, 2026.
Nanguna sa operasyon ang mga operatiba ng CIDG Cebu City Field Unit, katuwang ang Regional Intelligence Unit 7, Regional Mobile Force Company 7, at Sibonga Municipal Police Station dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nakuha sa nakababatang kapatid ang KG9 submachine gun, isang caliber .45 pistol, at isang hand grenade, habang nakuha naman sa nakakatandang kapatid ang isang caliber .357 revolver. Parehong walang naipakitang legal na mga dokumento ang dalawang suspek kaugnay sa pagmamay-ari ng nasabing baril.
Bukod pa rito, narekober din ng kapulisan sa mga suspek ang tatlong sachet ng medium heat-sealed transparent plastic na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu.
“This operation demonstrates the PNP’s resolve to prevent unauthorized firearms and explosives from becoming instruments of violence. We will sustain focused enforcement against individuals who disregard the law and put communities at risk” (Ipinapakita ng operasyong ito ang matibay na paninindigan ng PNP na pigilan ang mga hindi awtorisadong baril at pampasabog na magamit bilang instrumento ng karahasan. Patuloy nating paiigtingin ang nakatuong pagpapatupad ng batas laban sa mga indibidwal na lumalabag sa batas at naglalagay sa panganib sa ating mga komunidad), ayon pa kay PGen Nartatez.
“Hindi natin hahayaang mapunta sa maling kamay ang mga armas na maaaring gamitin sa krimen. Mahigpit nating ipatutupad ang batas upang mapanatili ang seguridad ng ating mga komunidad,” dagdag pa niya.
Bahagi ng operasyon ng kasalukuyang PNP Focused Agenda, kung saan pinagtibay nito ang lahat ng mga police operation sa pamamagitan ng Enhanced Managing Police Operations.
Habang nagpapatuloy ang kampanya ng PNP kontra illegal firearms at iba pang mga dangerous weapons, tiniyak ng himpilan ang publiko sa kanilang adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/1Brgp14aj2/?mibextid=wwXIfr



