Arestado ng Southern Police District ang mag-asawang kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons sa lungsod ng Parañaque sa kasong paglabag sa National Revenue Code nito lamang Martes, Setyembre 9, 2025 sa loob ng isang coffee shop sa Kawit, Cavite.
Kinilala ni Police Colonel Nicolas S. Piñon, Chief of Police ng Parañaque City Police Station, ang mga suspek bilang sina alyas “Reichard”, 46, at alyas “Sharon”, 44, parehong lisensyadong real estate brokers at residente ng Imus, Cavite.
Si “Reichard” ay nakalista bilang Top 7 Most Wanted Person, samantalang si “Sharon” ay nasa Top 8 Most Wanted para sa buwan ng Setyembre 2025.
Isinagawa ang pag-aresto batay sa mga Warrant of Arrest para sa 42 bilang ng paglabag sa Section 255 kaugnay ng Sections 253 at 256 ng National Revenue Code na may inirekomendang piyansang Php2,520,000 bawat isa.
Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng SPD sa pangunguna ni Acting District Director PBGen Randy Y. Arceo, na tugisin ang mga wanted persons at tiyakin na mananagot sa batas.
Source: SPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin Gargantos



