Mabilis na pagresponde ng BCPO Station 7, nagligtas sa lalaking nangangailangan ng agarang tulong sa Baguio City

0
189

Muling ipinakita ng mga tauhan ng Baguio City Police Office (CPO) Station 7 ang kanilang malasakit at dedikasyon sa paglilingkod matapos ang mabilis na pagresponde sa insidenteng kinasasangkutan ng isang lalaking nangangailangan ng agarang medikal na atensyon sa Bonifacio Street, Baguio City noong Hunyo 2, 2026.

Ayon sa ulat na nakarating kay PCol Ruel D. Tagel, City Director ng Baguio CPO, nakatanggap ng impormasyon ang BCPO Station 7 mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaki na nadulas habang naglalakad at nagtamo ng sugat sa ulo. Kaagad namang nagtungo sa lugar ang mga pulis upang tiyakin ang kaligtasan at kondisyon ng biktima.

Pagdating sa pinangyarihan, mabilis na sinuri ng mga rumespondeng pulis ang kalagayan ng pasyente at agad itong binigyan ng paunang lunas habang hinihintay ang pagdating ng Emergency Medical Service (EMS).

Sa pamamagitan ng koordinasyon ng BCPO Station 7 at ng EMS, ligtas at agarang naihatid ang pasyente sa pinakamalapit na pagamutan upang mabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon. Naging mahalaga ang mabilis na pagtugon ng mga awtoridad upang maiwasan ang posibleng paglala ng kondisyon ng biktima.

Ang insidenteng ito ay patunay ng patuloy na pangako ng Philippine National Police na maghatid ng serbisyong may malasakit at agarang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan, alinsunod sa adhikain ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Baguio City Police Office – Station 7

Leave a Reply