Matagumpay na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Masbate Police Provincial Office (PPO) ang isang hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na may kinakaharap na kasong murder sa isinagawang operasyon sa Brgy. Malibas, Palanas, Masbate noong Hunyo 1, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Danilo,” nasa hustong gulang, lalaki, at residente ng Cataingan, Masbate.
Isinagawa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Palanas Municipal Police Station, kasama ang Masbate 2nd Provincial Mobile Force Company at Provincial Intelligence Unit–Provincial Police Drug Enforcement Unit (PIU–PPDEU) ng Masbate PPO.
Naaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Jose Ronald M. Bersales, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 47 sa Masbate City, na may petsang Mayo 26, 2026, kaugnay ng kasong murder at walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, agad na dinala ang suspek sa Palanas Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Pinuri ng Masbate Police Provincial Office ang matagumpay na koordinasyon ng mga yunit na nagsagawa ng operasyon at muling pinagtibay ang kanilang paninindigan sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
“Patuloy nating tutugisin ang mga taong may pananagutan sa batas upang matiyak ang hustisya at seguridad ng ating mamamayan. Ang tagumpay na ito ay bunga ng masusing koordinasyon at dedikasyon ng ating mga kapulisan at ng ating pamayanan sa pangangalaga sa ating komunidad,” pahayag ni PCol Jefferson B Araojo, Provincial Director ng Masbate PPO.



