“Little Hearts, Caring Hands,” tampok sa programa ng PNP-HS at Rotary Club of Camp Crame

0
388

Tampok ang pagsusulong ng kalusugan, kasiyahan, at malasakit para sa mga bata sa programang “Little Hearts, Caring Hands,” na pinangunahan ng Philippine National Police Health Service (PNP-HS), katuwang ang Rotary Club of Camp Crame, noong Oktubre 29, 2026, sa HS Multi-Purpose Hall, Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City. Isinagawa ito bilang paggunita sa International Day of Care and Support, sa temang “Munting Kamay, Malaking Kalinga: Batang Malusog, Masaya at may Malasakit.”

Sa pangunguna ni PLtGen Wilson Joseph F. Lopez, Officer-in-Charge ng Office of the Deputy Chief PNP for Administration at pangulo ng Rotary Club of Camp Crame, kasama sina PMGen Jaysen C. De Guzman, The Director for Personnel and Records Management, at PBGen Portia B. Manalad, Director ng PNP Health Service, layunin ng programa na itaguyod ang wastong pangangalaga sa kalusugan at kabuuang kapakanan ng mga bata.

Kabilang sa mga aktibidad ang storytelling, interactive puzzles, creative arts, at mga talakayan tungkol sa wastong paghuhugas ng kamay, mabuting nutrisyon, at pangangalaga sa ngipin. Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, nahikayat ang mga bata na matuto tungkol sa kalusugan at kalinisan sa masaya at makabuluhang paraan.

Naghandog din ng mga regalo sa mga bata at sa mga volunteer personnel ng PNP Health Service bilang pagpapakita ng pasasalamat at pagkilala sa kanilang pakikilahok at paglilingkod. Nagpasalamat naman si PBGen Manalad sa Rotary Club of Camp Crame sa pakikiisa at suporta sa makabuluhang programa.

Patuloy na isinusulong ng PNP Health Service at ng mga katuwang nito ang mga programang nagbibigay-pansin sa kalusugan at kapakanan ng kabataan, bilang bahagi ng pagtataguyod ng isang malusog, masaya, at may malasakit na komunidad, kaakibat ng adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP Health Service (https://www.facebook.com/share/p/1CEGUfXTUw/)

Leave a Reply