Nagtalaga ang Police Regional Office 4A (PRO4A) ng kabuuang 12,297 pulis at force multipliers upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng “Undas 2026” sa buong CALABARZON. Bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda, inilagay sa Full Alert Status ang buong puwersa ng PRO 4A simula alas-12:01 ng madaling-araw noong Oktubre 29, 2026.
Binubuo ang deployment ng 5,561 PNP-PRO 4A personnel, 1,218 augmentation personnel mula sa iba pang unit, at 5,518 force multipliers na tutulong sa pagbabantay sa 598 sementeryo, 111 memorial park, 42 columbarium, transport terminals, tourist destinations, pangunahing lansangan, at iba pang matataong lugar sa rehiyon.
Upang higit pang palakasin ang seguridad at mapabilis ang pagbibigay-tulong sa publiko, magtatatag ang PRO4A ng 46 Border Control Points at Strategic Security Control Points, 529 Police Assistance Desks, at 143 Motorist Assistance Centers. Sa pamamagitan ng mga ito, masisiguro ang agarang pagresponde sa mga emergency at iba pang pangangailangan ng mga mamamayan at biyahero.
Sa press briefing na ginanap noong Oktubre 29 sa PRO4A Multi-Purpose Center, Camp BGen Vicente P Lim, Calamba City, Laguna, tiniyak ni PBGen Dominic L Baccay, Regional Director, na mananatiling nakikita, mapagmatyag, at handang rumesponde ang mga pulis sa anumang insidente o pangangailangan ng publiko. Hinikayat din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency sa pinakamalapit na Police Assistance Desk o sa mga available na emergency hotline.
Sa pamamagitan ng malawakang deployment at pakikipagtulungan sa mga force multipliers, muling pinagtitibay ng PRO4A ang pangako nitong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at matiyak ang ligtas at maayos na paggunita ng Undas sa buong CALABARZON, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO4A (https://www.facebook.com/share/v/1CXTjrZFz1/)

