Matagumpay na nagsagawa ng operasyon ang Regional Maritime Unit 11 (RMU 11) ng Philippine National Police–Maritime Group (PNP-MG) katuwang ang Naval Forces Eastern Mindanao (Philippine Navy), Regional Intelligence Division ng PRO 11, at Police Station 4 ng Davao City Police Office, laban sa paglabag sa Section 7 ng Republic Act 12022 sa karagatan ng Governor Generoso, Davao Oriental, nito lamang Mayo 1, 2026.
Sa isinagawang operasyon, namataan ang isang vessel of interest na nagmula sa Jolo, Sulu. Ilang ulit itong tinangkang kontakin sa pamamagitan ng marine band radio at megaphone, subalit hindi ito tumugon.
Dahil dito, nagsagawa ng tactical maneuver ang operating team. Tinangkang umiwas sa mga awtoridad ang nasabing sasakyang pandagat na nagresulta sa habulan bago ito tuluyang na-intercept.
Agad namang isinakatuparan ang Visit, Board, Search, and Seizure (VBSS) operation kung saan nadiskubre ang malaking kargamento ng undocumented o mga ilegal na sigarilyo sa loob ng barko.
Ang kapitan ng barko at ang anim pang tripulante, pawang mga residente ng Jolo, Sulu, ay nabigong magpakita ng dokumentong magpapatunay sa legalidad ng kanilang kargamento, kaya sila ay inaresto at dinala, kasama ang sasakyang pandagat, sa Captain Feranil Pier, NSFA Panacan, Davao City.
Kabilang sa mga nasabat ay ang mga sumusunod: isang motor launch na “M/B Bukal” na may tinatayang halagang humigit-kumulang na PhP2,250,000.00; 451 master cases ng BOSQU cigarettes; 298 master cases ng NEW ARIS cigarettes; 403 master cases ng GREENHILL cigarettes; at 94 master cases ng CANNON MENTHOL cigarettes.
Sa kabuuan, umabot sa 1,246 master cases ng iba’t ibang uri ng sigarilyo ang nakumpiska na may tinatayang halaga na humigit-kumulang na PhP52,955,000.00.
Muling pinagtibay ng PNP-MG, sa pangunguna ng RMU 11, ang kanilang walang humpay na dedikasyon sa pagpapatupad ng batas at pagsugpo sa smuggling sa karagatan, para sa mas ligtas at maayos na komunidad, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



