Lider ng kilabot na kriminal gang, nasawi sa engkwentro sa ikinasang joint operation ng PRO10

0
236

​Nasawi ang itinuturing na lider ng isang kilabot na crime group matapos makipagbarilan sa mga pinagsanib na elemento ng Philippine National Police (PNP) habang isinasagawa ang isang operasyon sa Barangay Mindalano, Bayan ng Salvador, Lanao del Norte.

​Kinilala ni PBGen Christopher N. Abrahano, Director ng Police Regional Office 10 (PRO10), ang nasawing suspek na si Khalid “Talib” Masaronay, ang umano’y pinuno ng Masaronay Group at nakatala bilang Rank No. 7 Most Wanted Person sa Hilagang Mindanao.

​Ayon sa ulat, isisilbi sana ng mga operatiba ang mga warrant of arrest para sa siyam na magkakahiwalay na kasong kriminal kabilang ang pito hanggang walong counts ng murder at frustrated murder, nang bigla umanong magpaputok laban sa mga arresting officers. Dahil dito, pilit na gumanti ng putok ang kapulisan upang ipagtanggol ang kanilang sarili, na nagresulta sa agarang pagkakasawi ng suspek.

​Isinagawa ang matagumpay na joint operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit 10 (RPDEU-10), Rapid Deployment Battalion ng PNP Special Action Force (SAF), 1005th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 10 (RMFB-10), 2nd Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Norte, Regional Intelligence Division 10 (RID-10), Regional Intelligence Unit 10 (RIU-10), kasama ang mga tauhan ng Salvador Municipal Police Station at Sapad Municipal Police Station.

​Bukod sa mga nakasampang kasong murder, ibinunyag ng intelligence reports na sangkot din ang suspek sa kalakalan ng ilegal na droga, gun-for-hire, at pagbibigay ng suporta sa teroristang Dawlah Islamiya-Maute Group. Narekober mula sa kaniya ang isang M16 rifle, .45 caliber pistol, mga bala, at 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit Php1 milyon na agad namang isinailalim sa pagsusuri ng Lanao del Norte Forensic Unit.

​ Ayon sa pamunuan ng PRO10, patuloy ngayon ang isinasagawang follow-up operation at imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy at matunton ang iba pang natitirang miyembro ng grupo na mabilis na nakatakas sa gitna ng ginagawang operasyon.

Binigyang-diin ng PNP na ang matagumpay na neutralisasyon sa suspek ay malinaw na patunay ng patuloy na pagpapatupad ng strategic police operations at pagkakaroon ng integridad sa hanay ng kapulisan, alinsunod sa direksyon at mantra ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Layunin ng PNP na itaguyod ang pampublikong tiwala, palakasin ang seguridad sa komunidad, at iparating na hindi kailanman magtatagumpay ang kriminalidad sa ilalim ng isang disiplinado at modernong pambansang pulisya.

Source: PNN (https://www.facebook.com/share/v/1CSiEMufv1/)

Leave a Reply