2 drug personalities, arestado ng NCRPO; Php1.7M halaga ng hinihinalang shabu, narekober sa Caloocan City

0
173

Naaresto ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang umano’y high-value drug personalities sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City, kung saan nakumpiska ang tinatayang 252.2 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php1,714,960.

Isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan City Police Station ang operasyon dakong alas-10:19 ng gabi noong Agosto 18, 2026 sa loob ng isang housing project sa Barangay 188. Arestado ang isang 24-anyos na lalaking courier rider at isang 26-anyos na babaeng makeup artist matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isang police poseur-buyer.

Nakumpiska sa operasyon ang apat na transparent plastic sachet at mga bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, gayundin ang isang tunay na Php500 bill at anim na boodle na Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money. Narekober din ang isang pulang handbag na may marka at logo ng first aid kit.

Nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa kaukulang kasong paglabag sa Section 5 (Illegal Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Binigyang-diin ni NCRPO Regional Director PMGen Anthony A. Aberin na patuloy na paiigtingin ng NCRPO ang intelligence-driven operations upang mapabagsak ang mga drug network at mailayo sa lansangan ang mga sangkot sa ilegal na droga. Aniya, bawat gramo ng nakukumpiskang ilegal na droga ay katumbas ng mga buhay na napoprotektahan at mga pamilyang naililigtas sa mapaminsalang epekto ng pag-abuso sa droga—patunay ng paninindigan ng PNP sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1BUuVHuQn4/)

Leave a Reply