Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Caba Police Station, La Union Police Intelligence and Detective Management Unit (LUPIDMU), at La Union Police Intelligence Unit (LUPIU) ang isang lalaking akusado sa kasong murder sa isinagawang Manhunt Charlie Operation bandang 11:00 ng umaga noong Hulyo 30, 2026 sa Brgy. Buneg, Pozorrubio, Pangasinan.
Kinilala ang nadakip na si alyas “Vash,” residente ng naturang barangay. Siya ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang naaayon sa Saligang Batas bago siya dinala sa himpilan ng pulisya para sa wastong dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Patuloy namang pinaiigting ng kapulisan ang kanilang operasyon laban sa mga taong may nakabinbing warrant of arrest bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa mga komunidad. Kaakibat nito ang patuloy na pagsusulong sa adhikain ng Philippine National Police na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: Caba PS



