La Union PPO, nakibahagi sa Brigada Eskwela 2026 para sa ligtas at maayos na pagbubukas ng klase

0
237

Nakibahagi ang La Union Police Provincial Office (LUPPO) sa kick-off ceremony ng Brigada Eskwela 2026 ng Schools Division of La Union na ginanap noong Hunyo 1, 2026 sa Taboc Elementary School sa bayan ng San Juan, La Union.

Pinangunahan ni Police Colonel Redentor C. Ulsano, Provincial Director ng LUPPO, ang pakikiisa ng kapulisan sa taunang programa bilang suporta sa paghahanda ng mga paaralan para sa nalalapit na pagbubukas ng klase.

Taglay ang temang “Bayanihan sa Paaralan: Nagkakaisa para sa Kaayusan at Kaalaman,” pinag-isa ng Brigada Eskwela ang mga guro, magulang, mag-aaral, alumni, at iba’t ibang katuwang sa komunidad upang magsagawa ng paglilinis, pagkukumpuni, at iba pang gawaing makatutulong sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na kapaligiran sa mga paaralan.

Bilang bahagi ng suporta ng Philippine National Police sa programa, tiniyak ni PCol Ulsano ang aktibong partisipasyon ng mga pulis sa iba’t ibang lugar sa lalawigan. Inatasan niya ang mga tauhan ng LUPPO na makiisa sa Brigada Eskwela sa kani-kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan at seguridad ng mga paaralan, maayos na pamamahala ng trapiko, at pagpapalaganap ng kaalaman sa pag-iwas sa krimen.

Ang pakikilahok ng mga kapulisan sa Brigada Eskwela ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pambansang pulisya na makiisa sa komunidad at matiyak ang isang ligtas, maayos, at handang kapaligiran para sa mga mag-aaral sa darating na pasukan.

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan 

Source: La Union PPO

Leave a Reply