Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paunlarin ang mga serbisyong pampamahalaan at matiyak na ang bawat Pilipino ay may agarang akses sa tulong sa oras ng pangangailangan, pinangunahan ni Kalihim ng DILG Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla ang opisyal na paglulunsad ng Unified 911 Emergency Hotline System sa Central Visayas ngayong Oktubre 25, 2025, sa PLDT Jones, Cebu City.
Katuwang sa makasaysayang okasyong ito ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na muling pinagtibay ang paninindigan ng pambansang pulisya sa pagpapalakas ng koordinasyon sa iba’t ibang ahensya para sa mas mabilis at maaasahang pagtugon sa mga emerhensiya sa buong bansa.

“Ang proyektong ito ay pagsasabuhay ng layunin ng ating Pangulo para sa isang Bagong Pilipinas—mas ligtas, mas maayos, at mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan. Buong suporta ang ibinibigay ng PNP sa Unified 911 System bilang mahalagang kasangkapan sa pagsagip ng buhay, pahayag ni PLtGen Nartatez.
Sa tulong nito, ang pagtugon sa mga tawag ng pangangailangan ay magiging mabilis, maaasahan, at tunay na mararamdaman ng sambayanang Pilipino,” dagdag pa ni Acting Chief PNP Nartatez.

Tampok sa seremonya ay ang launching ng Unified 911 Command Center, kung saan nagpakita ng kahandaan ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) bilang mga first responder sa oras ng emergency.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Cebu Governor Pamela S. Baricuatro sa Police Regional Office 7 sa 41% pagbaba ng antas ng kriminalidad sa lalawigan. Pinasalamatan din niya si Pangulong Marcos at SILG Remulla sa pagsasakatuparan ng Unified 911 System, at tiniyak ang buong suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng programa.
Sa kanyang pangunahing talumpati, binigyang-diin ni SILG Remulla na ang Unified 911 system ay “gumagalang sa wika, kultura, at tradisyon ng bawat Pilipino.” Ibinahagi rin niya na 200 bagong sasakyang pulis ang ipamamahagi sa Central Visayas pagsapit ng Enero 2026 upang palakasin ang mobility at kakayahan ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas.
Ipinahayag din niya ang nalalapit na “Skynet” initiative, na maglalagay ng mga long-range drones para sa real-time surveillance tuwing may emerhensiya.
“Sa loob ng 24 oras sa isang araw at 7 araw sa isang linggo, may mga drone na magbabantay sa ating himpapawid. Kapag tumawag ka sa 911, agad itong lilipad para magmasid, kumuha ng larawan, at tiyakin ang kaligtasan ng lahat,” ani ng Kalihim.
Nagpaalala rin siya sa publiko laban sa mga prank callers, na maaaring maparusahan sa ilalim ng batas para sa Unjust Vexation, dahil nagdudulot ito ng pagkaantala sa mga tunay na pagtugon at naglalagay sa panganib ng buhay ng iba.
Dumalo sa naturang paglulunsad ang iba’t ibang opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor, kabilang sina Cebu City Mayor Nestor Archival, Mandaue City Mayor Thadeo Jovito “Jonkie” Ouano, Lapu-Lapu City Mayor Cindi King Chan, DILG 7 Regional Director Leocadio T. Trovela, Atty. Lecel R. Llamedo ng NAPOLCOM 7, at Fire Director Jesus P. Fernandez ng BFP.
Ang Unified 911 System, na unang inilunsad ni SILG Remulla noong Setyembre 11, 2025, katuwang ang SMART at PLDT, ay isang malaking hakbang tungo sa pagkakaroon ng tunay na pinag-isang pambansang sistema ng emergency response—sumasagisag sa diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman—kung saan bawat tawag para sa tulong ay may kasiguruhan ng agarang tugon.



