Malaking dagok sa iligal na kalakalan ng mga produktong petrolyo ang ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos mabisto ang umano’y operasyon ng “paihi” ng krudo sa Malabon City, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mahigit Php17.2 milyong halaga ng diesel fuel at iba pang ebidensya. Isinagawa ang operasyon noong Hulyo 10, 2026, bilang pagtupad sa direktiba ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na kalakalan ng mga produktong petrolyo.
Bandang 2:30 ng madaling-araw, nagsagawa ng law enforcement operation ang CIDG National Capital Region Regional Field Unit sa dalawang tugboat na nakadaong sa Barangay Concepcion, Malabon City. Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng apat na lalaking suspek at pagkakasamsam ng dalawang tugboat na naglalaman ng humigit-kumulang 105,070 litro ng diesel fuel na may kabuuang tinatayang halaga na Php17,220,000.
Ayon sa ulat na isinumite kay CIDG Director Police Major General Robert A.A. Morico II, nahuli ang mga suspek habang nagsasagawa ng umano’y “paihi” o ilegal na paglilipat ng produktong petrolyo mula sa mga tugboat patungo sa mga lalagyan nang walang kaukulang permit o awtoridad mula sa Department of Energy (DOE). Ang naturang gawain ay paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, na nagbabawal sa iligal na pagbebenta at distribusyon ng mga produktong petrolyo.
Binigyang-diin ni PMGen Morico na layunin ng mahigpit na pagpapatupad ng batas na mapangalagaan ang kapakanan ng publiko at pambansang seguridad. Aniya, ang “paihi” ng krudo ay isang mapanganib na gawain dahil karaniwang isinasagawa ito sa mga lihim at hindi mino-monitor na lugar, na maaaring magdulot ng sunog, pagsabog, at iba pang panganib. Pinuri rin niya ang CIDG NCR Regional Field Unit sa pamumuno ni PCol John K. Guiagui sa matagumpay na pagkakabuwag sa nasabing iligal na operasyon.
Patuloy namang hinihikayat ng CIDG ang publiko na iulat ang anumang iligal na kalakalan, hoarding, at profiteering ng mga produktong petrolyo upang agad itong maaksyunan ng mga awtoridad.
Muling pinagtitibay ng Philippine National Police ang matatag nitong kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-CIDG



