Bunga ng mabilis at masusing imbestigasyon ng Santa Maria Municipal Police Station, kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad ang itinuturong mastermind sa pamamaril sa dating barangay secretary at guro na si Stephen “Gelo” Pagmanua Enriquez.
Bandang alas-5:30 ng hapon noong Agosto 1, 2026, nagtungo ang nasabing indibidwal sa himpilan ng Santa Maria Municipal Police Station matapos malaman na umano’y itinuro siya ng biktima bago ito pumanaw dahil sa tinamong mga tama ng bala.
Ayon sa mga imbestigador, habang ginagamot ang biktima ay nagawa nitong magbigay ng dying declaration na nagturo sa taong pinaniniwalaan nitong responsable sa pamamaril. Dahil dito, agad na pinaigting ng mga operatiba ang case build-up, pangangalap ng ebidensya, at dokumentasyon na naging daan sa kusang pagsuko ng hinihinalang mastermind.
Kasalukuyan nang kinukumpleto ng mga imbestigador ang mga kinakailangang dokumento at ebidensya para sa pagsasampa ng kasong murder sa Office of the Provincial Prosecutor sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Pinuri ni Police Brigadier General Jess B. Mendez, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ang mga rumespondeng pulis at imbestigador sa kanilang propesyonalismo at dedikasyon sa pagsasagawa ng mabilis, patas, at evidence-based na imbestigasyon. Binigyang-diin niya na mananatiling matatag ang PRO3 sa pagtiyak na maihaharap sa hustisya ang mga sangkot sa krimen habang iginagalang ang karapatan at due process ng lahat ng panig.
Tiniyak ng PRO3 na nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng may pananagutan sa insidente at maisagawa ang lahat ng legal na proseso alinsunod sa batas. Hinikayat din nito ang patuloy na pakikipagtulungan ng publiko, na mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 3



