Nangako ang Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pangunguna ni Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., na ipagpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa sa Metro Manila at iginiit na ang pinaigting na operasyon ng pulisya ay bahagi ng pangmatagalang pagsisikap upang mapanatili ang kaayusan sa publiko.
Ipinakita ng datos na 48,257 na ang mga lumabag at nahuli sa loob lamang ng tatlong araw sa ilalim ng Safer Cities Initiative ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), 23,376 na mga lumabag ang naitala mula Abril 7 hanggang Abril 8, 2026, kasunod ng 24,881 na naitala mula Abril 6 hanggang Abril 7.
“Bigyan ng pagkakataon na patunayan na ito ay hindi ningas-kugon at ito ay masu-sustain natin hanggang sa ma-practice na ito,” giit ni PGen Nartatez Jr.
Kabilang sa mga karaniwang paglabag ang pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, paglalakad nang walang pang-itaas na damit, paglabag sa curfew ng mga menor-de-edad, at paggamit ng videoke o karaoke lampas sa itinakdang oras.
Mayroon ding mga kaso ng paglalakwatsa (loitering), paggambala sa publiko, at iba pang katulad na paglabag sa ordinansa.
Sa kabuuang bilang ng mga lumabag, 7,389 ang pinagmulta, 403 ang sinampahan ng kaso sa korte, habang 15,584 ang pinagsabihan at pinalaya.
“Patuloy lang ang ating pagpapaalala at pagpapatupad ng mga ordinansa. Nakikita natin na mas nagiging maayos ang paligid kapag may presensya ang pulis. Halimbawa, kung sa pagsita ay curfew lamang ang paglabag ngunit sila ay naging magulo o marahas sa pakikipag-usap sa ating pulis at barangay, doon papasok ang pag-aresto ng PNP,” paliwanag ni CPNP Nartatez Jr.
Source: https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/4/9/-hindi-ito-ningas-kugon-pnp-commits-to-crackdown-on-ordinance-violators-1410



