48K indibidwal, nahuli na lumabag sa NCR sa loob ng 3 araw sa ilalim ng Safer Cities initiative

0
337

Umabot sa 48,257 ang mga nahuling lumabag ayon sa Philippine National Police sa ilalim ng liderato ni Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., PNP Chief, sa mga lokal na ordinansa sa Metro Manila sa unang tatlong araw ng pinaigting na pagpapatupad ng Safer Cities Initiative, na naglalayong itaguyod ang disiplina at palakasin ang kapayapaan at kaayusan sa kalakhang lungsod nito lamang noong Huwebes, Abril 9, 2026.

Ayon sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa ilalim ng pamumuno ni Police Major General Anthony A Aberin, Regional Dircetor, na 23,376 na mga lumabag ang nahuli mula Abril 7 hanggang 8, kasunod ng 24,881 na naitala mula Abril 6 hanggang 7.

Mula Abril 7 hanggang 8, ang Southern Police District (SPD) ang may pinakamataas na bilang ng nahuli na may 9,503, sinundan ng Quezon City Police District (QCPD) na may 4,336, Northern Police District (NPD) na may 3,878, Eastern Police District (EPD) na may 2,916, at Manila Police District (MPD) na may 2,743.

Sa kabuuang bilang, 7,389 ang pinagmulta, 403 ang sinampahan ng kaso sa korte, habang 15,584 ang pinagsabihan at pinalaya.

Batay sa tala, ang pinakakaraniwang paglabag ay pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar (7,300), sinundan ng paglalakad sa kalsada nang walang pang-itaas na damit (2,543), paglabag sa curfew ng mga menor-de-edad (2,070), at paggamit ng videoke o karaoke lampas sa itinakdang oras (572).

Ang natitirang 12,485 na kaso ay kabilang sa iba pang paglabag tulad ng loitering, paggambala sa publiko, at iba pang katulad na paglabag sa ordinansa.

“Patuloy lang ang ating pagpapaalala at pagpapatupad ng mga ordinansa. Nakikita natin na mas nagiging maayos ang paligid kapag may presensya ang pulis. Makiisa po tayo — sumunod sa simpleng alituntunin, iwasan ang paglabag, at igalang ang kapwa. Maliit na bagay pero malaking tulong sa kaayusan,” saad ni CPNP Nartatez Jr.

Pinaalalahanan ng PNP ang publiko na iwasan ang pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, sumunod sa tamang asal kabilang ang pagsusuot ng angkop na damit, tiyakin na sumusunod ang mga menor-de-edad sa curfew, at maging maingat sa mga regulasyon sa ingay tulad ng paggamit ng videoke, kasama ang iba pang lokal na ordinansa.

Tiniyak din ng PNP na magpapatuloy ang operasyon nang tuloy-tuloy, patas, at may paggalang sa karapatang pantao, sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay.

Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1272625