Muling pinatunayan ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang matatag nitong kampanya kontra ilegal na droga matapos makasamsam ng mahigit Php235 milyong halaga ng ilegal na droga at maaresto ang walong drug personalities sa serye ng operasyon mula Mayo 18 hanggang 24, 2026.
Ayon sa PRO CAR, na pinamumunuan ni PBGen Ericson D. Dilag, umabot sa 17 operasyon ang isinagawa sa loob ng isang linggo, kabilang ang 11 marijuana eradication operations, dalawang buy-bust operations, dalawang pagpapatupad ng search warrant, at dalawang serbisyo ng warrant of arrest. Bunga nito, nadiskubre at winasak ang mahigit 1.1 milyong fully grown marijuana plants, libu-libong marijuana seedlings, tuyong dahon ng marijuana, marijuana stalks, at shabu na may kabuuang Standard Drug Price na Php235,137,476.
Sa walong naarestong personalidad, lima ang kinilalang High Value Individuals (HVIs) habang tatlo naman ang Street Level Individuals (SLIs). Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinakamalaking accomplishment ang naitala sa Kalinga kung saan nakasamsam ang Kalinga Police Provincial Office ng mahigit Php228 milyong halaga ng ilegal na droga at naaresto ang apat na HVI. Sumunod naman ang Benguet PPO na nakakumpiska ng higit Php6.2 milyon halaga ng ilegal na droga. Sa Baguio City at Abra, matagumpay ring nakapagsagawa ng operasyon ang mga lokal na kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga sangkot sa ilegal na droga.
Ang mga operasyong ito ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng pamumuno ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief, partikular sa Enhanced Managing Police Operations. Sa ilalim ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” patuloy na pinaiigting ng kapulisan ang kampanya upang sugpuin ang ilegal na droga at mapanatiling ligtas at payapa ang mga komunidad sa Cordillera.
Source: PROCAR



