Higit Php13.6M shabu sa Zamboanga City, nakumpiska; High-Value Drug Suspect, arestado

0
430

Naaresto ng Philippine National Police (PNP), katuwang ang iba pang mga awtoridad, ang isang High-Value Drug Suspect matapos makuhanan ng nasa Php13.6 milyong halaga ng ilegal na droga nito lamang umaga ng April 30, 2026 sa Zamboanga City.

Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit 9, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency 9, Special Enforcement Teams, Naval Intelligence and Security Group – Western Mindanao, PDEG-Special Operations Units 9, 1st Special Operations Unit Maritime Group, 904th Mobile Company RMFB9, Zamboanga City Maritime Police Station, at Zamboanga City Police Station 9.

Ayon sa inisyal na ulat, bandang alas 7:18 ng umaga ng ipinatupad ang operasyon sa Zone 6, Kalye San Vicente, Barangay Ayala, na nagresulta sa pagkakumpiska ng nasa 2,000 gramos ng hinihinalang shabu.

Kinilala ang suspek na isang 29-year-old na lalaki na kasalukuyang naninirahan sa Barangay Ayala ng nasabing lungsod ngunit orihinal na taga-Jolo, Sulu. Ang naarestong suspek ay itinalaga ring High-Value Individual at kabilang din sa ilegal na drug watchlist ng mga awtoridad.

“Patuloy po ang ating operasyon laban sa ilegal na droga. We are firm, but we remain committed to due process. Ang layunin natin ay hindi lang mahuli, kundi maprotektahan ang ating mga komunidad mula sa pinsalang dulot ng ilegal na droga,” saas pa ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ang nasabing operasyon ay alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin pa lalo ang pagpapatupad ng batas habang iginagalang ang mga karapatang pantao. Bahagi rin ito ng PNP Focused Agenda, partikular na ang Enhanced Managing Police Operations, na palawakin pa ang mga intelligence-driven operations sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, tiniyak naman ng PNP na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng batas nang may propesyonalismo at pananagutan na naaayon sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply