Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at iba pang paglabag sa mga special laws, inaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 5 ang isang lalaki matapos mahulihan ng malaking bulto ng gasolina na walang kaukulang permit at dokumento habang dumaraan sa isang checkpoint sa Sta. Elena, Camarines Norte nito lamang August 13, 2026.
Ayon sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), isinagawa ang operasyon habang nagpapatupad ng checkpoint operation ang pinagsanib na puwersa ng Sta. Elena Municipal Police Station bilang lead unit, kasama ang Provincial Intelligence Unit at 2nd Provincial Mobile Force Company, sa kahabaan ng Maharlika Highway, Sitio Hacienda, Brgy. Don Tomas, Sta. Elena, Camarines Norte.
Bandang 12:15 AM, isinakatuparan ang operasyon nang pahintuin ng mga pulis ang isang Mitsubishi L300, na minamaneho ng suspek na kinilala sa alyas na “Jay,” 37 taong gulang.
Sa inspeksiyon, natuklasan ng mga awtoridad na kargado ng petroleum products (gasolina) ang 61 lalagyan na may kabuuang dami na humigit-kumulang 2,050 litro. Nang hingan ng mga dokumento, permit, at iba pang kaukulang awtorisasyon mula sa tamang ahensiya ng pamahalaan, nabigong makapagpakita ang suspek ng anumang legal na papeles na magpapahintulot sa pagbiyahe ng naturang produkto.
Tinatayang umabot sa Php150,000.00 ang halaga ng mga nakumpiskang produktong petrolyo.
Dinala ang suspek sa Sta. Elena MPS, kasama ang sasakyan at lahat ng nakumpiskang petroleum products, para sa kaukulang dokumentasyon, imbestigasyon, at wastong disposisyon.
Ang operasyong ito ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, na naglalayong paigtingin ang kampanya laban sa kriminalidad, smuggling, at iba pang paglabag sa mga espesyal na batas, gayundin ang pagpapalakas ng checkpoint operations at intelligence-driven law enforcement activities sa buong Rehiyong Bicol.



