Drug suspect, arestado sa buy-bust ng SJDM PNP; Php102K shabu, nasamsam

0
478

Naaresto ang isang drug suspect sa isinagawang buy-bust operation ng San Jose del Monte City Police Station (CPS) bandang alas-2:47 ng madaling araw ng Pebrero 11, 2026, sa harap ng San Jose del Monte People’s Park, Barangay Sapang Palay Proper, Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.

Kinilala ni PLtCol Reyson M Bagain, Hepe ng SJDM CPS, ang naarestong suspek na si alyas “Jomar”, 29 taong gulang at residente ng Sta. Maria, Bulacan.

Naaresto ang suspek matapos itong magbenta ng isang (1) sachet ng hinihinalang shabu sa isang police undercover kapalit ng marked money.

Nakumpiska mula sa suspek ang marked money at karagdagang tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu. Ang kabuuang apat (4) sachet ng nasabing ilegal na droga ay may tinatayang kabuuang timbang na humigit-kumulang labing-limang (15) gramo at may Standard Drug Price (SDP) na Php102,000.

Ang naarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ayon kay PCol Angel L Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy at pinaigting na kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga. Binigyang-diin niya na, sa patnubay ng PRO3, mananatiling aktibo ang kapulisan sa pagsugpo sa ilegal na droga upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga mamamayan sa lalawigan ng Bulacan.

Source: Bulacan PPO / https://www.facebook.com/share/p/18KBCKzcwV/