Diwa ng Pasko, hatid ng RPSB, CMFC ang saya at pag-asa sa mga kabataan

0
553

Bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya sa community relations at sa diwa ng malasakit ngayong kapaskuhan, matagumpay na isinagawa ng Regional Police Support Battalion (RPSB), Community Mobile Force Company (CMFC) ang isang Christmas Gift-Giving Activity sa mga mag aaral ng Abra Elementary School, Lungsod ng Santiago noong ika-19 ng Disyembre 2025.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni PMaj Jayson M. Baldos, Acting Force Commander ng SCMFC, katuwang ang mga dedikado at masisipag na personnel ng R-PSB.

Isinagawa ito sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng paaralan sa ilalim ng pangangasiwa ni Mrs. Flora C. Mabalot, Principal I ng Abra Elementary School.

May kabuuang 183 mag-aaral, kasama ang kanilang mga magulang at tagapag-alaga, ang naging benepisyaryo ng programa.

Bilang bahagi ng selebrasyon, namahagi ang R-PSB, CMFC ng mga bagong tsinelas, Christmas gift packs, at meryenda sa bawat bata bilang simbolo ng pagkalinga at malasakit.

Upang higit pang maging makabuluhan ang aktibidad, nagsagawa rin ng iba’t ibang palaro at masasayang aktibidad, kung saan nagkaloob ng cash prizes sa mga nagwagi.

Ang mga gawaing ito ay nagbigay hindi lamang ng kasiyahan kundi nagsilbi ring paraan upang mapalapit ang kapulisan sa komunidad, lalo na sa kabataan.

Sa pamamagitan ng mga ganitong makatao at makabuluhang inisyatiba, muling pinagtitibay ng R-PSB, CMFC, sa pangunguna ni PMaj Baldos, ang kanilang patuloy na pangako sa paglilingkod sa sambayanan at sa pagtataguyod ng kapayapaan, pagkakaisa, at malasakit sa komunidad, lalo na sa mga kabataang siyang pag-asa ng bayan.

Source. SPFMC