Mahigpit na ipinatutupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang warrant enforcement operations matapos arestuhin ng mga tauhan ng Southern Police District–Taguig City Police Station ang isang 21 anyos na District Most Wanted Person na nahaharap sa anim na magkakahiwalay na warrant of arrest, lima para sa robbery at isa para sa carnapping sa Binangonan Municipal Police Station, Rizal, noong Agosto 21, 2026.
Bandang alas 11:50 ng umaga, pormal na isinilbi ng Warrant and Subpoena Section ng Taguig CPS ang mga warrant sa akusado na nasa kustodiya na ng Binangonan MPS. Saklaw ng mga warrant ang dalawang bilang ng Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons, isang Robbery Hold-Up, at dalawang karagdagang kaso ng robbery sa ilalim ng Revised Penal Code na isinampa sa mga korte sa Lipa City, Parañaque City, at Antipolo City.
Inirerekomenda naman ang piyansang nagkakahalaga mula Php72,000 hanggang Php100,000 sa bawat bilang ng robbery. Bukod dito, nahaharap din ang akusado sa hiwalay na kaso ng paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016, kung saan walang inirekomendang piyansa.
Binigyang-diin ni PMGen Anthony A. Aberin, Regional Director ng National Capital Region Police Office, ang kahalagahan ng tuloy-tuloy at maayos na pagpapatupad ng mga warrant upang matiyak na mananagot sa batas ang mga indibidwal na nahaharap sa mabibigat na kaso. Aniya, “Our responsibility is to locate wanted persons, serve the warrants issued against them, and ensure that they face the judicial process” (Ang aming responsibilidad ay tukuyin at hanapin ang mga wanted person, ipatupad ang mga warrant of arrest na ipinag-utos laban sa kanila, at tiyaking haharap sila sa proseso ng hustisya).
Ang lahat ng warrant ay ibabalik sa kani-kanilang court of origin para sa kaukulang disposisyon. Patuloy namang paiigtingin ng NCRPO ang warrant enforcement operations upang matiyak na ang mga taong hinahanap ng korte ay maihaharap sa wastong proseso ng batas, bilang bahagi ng pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1AnjEYUCch/?mibextid=wwXIfr)



