Arestado ang dalawang High Value Individuals (HVIs) sa isinagawang buy-bust operation ng Dasmariñas Drug Enforcement Unit sa kahabaan ng Villar City Road, Barangay Salawag, Dasmariñas City noong Agosto 20, 2025.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Muklo,” 26 anyos, at “Adam,” 31 anyos, kapwa residente ng Barangay Sultan Esmael, Dasmariñas City, at parehong tubong Lanao del Sur.
Narekober mula sa kanila ang dalawang heat-sealed sachets at isang knot-tied sealed plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 91 gramo at may halagang Php618,800.
Kasama rin sa nakumpiska ang dalawang pirasong tig-Php500 marked money na ginamit sa transaksyon.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”, partikular sa Sections 5, 11, at 26.
Ayon kay PBGen Jack L. Wanky, Regional Director ng Police Regional Office CALABARZON, ang operasyon ay patunay ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.
“Walang puwang sa CALABARZON ang mga sindikato at indibidwal na patuloy na nagpapakalat ng ipinagbabawal na droga. Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng mas pinaiigting na aksyon ng pulisya upang masiguro ang kaligtasan at kapayapaan ng ating mga pamayanan,”
Muling nananawagan ang PRO CALABARZON sa publiko na makipagtulungan sa kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad.
“Sa ating mga kababayan dito sa CALABARZON, mag-report ng anumang kahina-hinalang aktibidad o indibidwal sa inyong mga lugar. Dial 911, at kami ay tutugon at darating sa loob ng limang minuto,” dagdag ni PBGen Wanky.



