Dalawang hinihinalang High-Value Individuals (HVI) ang naaresto at tinatayang Php374,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang joint anti-illegal drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Barangay Sta. Isabel, Calapan City noong Hunyo 2, 2026.
Pinangunahan ng PDEA Oriental Mindoro Provincial Office ang operasyon, katuwang ang Calapan City Police Station at PNP Drug Enforcement Group SOU4B. Arestado ang isang 32-anyos na konduktor at isang 41-anyos na driver ng van, kapwa residente ng Bansud, Oriental Mindoro, na itinuturing ng mga awtoridad bilang mga High-Value Individuals.
Sa isinagawang buy-bust operation, matagumpay na nakabili ang isang PDEA operative na nagpanggap bilang poseur-buyer ng isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang limang gramo kapalit ng Php6,000. Sa isinagawang follow-up recovery, nadagdagan pa ito ng dalawang sachet na may kabuuang tinatayang 55 gramo, na nagresulta sa kabuuang Standard Drug Price na Php374,000.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa PDEA Regional Office sa Calapan City para sa dokumentasyon, laboratory examination, at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Pinuri ni PBGen Christopher R. Dela Cruz, Acting Regional Director ng PRO MIMAROPA, ang mga operatiba at binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng mga ahensya sa pagsugpo sa iligal na droga.
“PRO MIMAROPA will continue supporting coordinated anti-drug efforts across the region through strengthened operational collaboration and sustained enforcement initiatives,” ani PBGen Dela Cruz.
Source: PRO MIMAROPA



